Silid (Part 2)

Andito parin ako naiwan mag-isa sa kwartong tinawag nating atin. Pinipigilan kong huminga para hindi mawala ang amoy na iniwan mo. Naririnig ko pa ang iyong boses na tumataginting sa mga pader. Kaya tinatawag kita.

Tinatawag kita. Binibigkas ang pangalan mo ng paulit-ulit. Nagbabakasakaling nakasandal ka lang sa pinto at naririnig mo parin ako. Nagbabakasakaling sumagot ka sa iyak ko.

“Naririning kita. Tahan na. Di mo kailangan sumigaw. Sa tagal-tagal nating magkasama, memoryado ko ang tinig mo. Andito lang ako. Andito lang ako sa labas, naghihintay sayo.”

“Patawad. Patawarin mo sana ako. Alam kong kaya mo akong mawala sa buhay mo, pero ayokong mawala ka sakin. Huwag kang magpaalam. Magpaalam. Patawad.”

Ngunit ang tanging nakakarinig sakin ay ang bintilador sa ating kisame. Nagbabakasaling maipasa ng hangin ang mensahe ko para sayo. Nagbabakasakaling marinig mo pa ang mga salitang dapat sinabi ko noon pa – Noong andito ka pa.

Silid (Part 2)

Ingat

Sabi nila, kaya tayo sinasabihan ng “Ingat” ay dahil hindi na nila tayo kayang alagaan. Kaya kinakailangan alagaan ang sarili kasi wala nang ibang mag-aalaga sa atin.

Kaya eto. Eto na. Eto na ang paraan ko.

Mag-ingat ka sa mga ipis. Alam kong hindi laging may nag-aabot ng Baygon at hindi ka laging makakalaban mas lalo na kapag lumilipad sila. Wag na wag kang sisigaw kasi mas lalapit sila kapag maingay ka. Kapag mas marami sila sayo – may Baygon man o wala – sinasabi ko sayo tumakbo ka nalang.

Mag-ingat ka sa mga holdaper, mas lalo na kapag may klase ka pa hanggang gabi at malayo pa ang iyong lalakarin para lang makauwi. Kahit magmukha kang ewan, ilagay mo ang bag mo sa harapan mo. Ilabas mo ang pepper spray na binigay ng tatay mo sayo noong nakilala niya ako.

Mag-ingat ka kapag umuulan. Alam kong ayaw mong nagdadala ng payong, pero kailangan. Gamitin mo ang naiwan kong kulay asul na payong sa bahay niyo, paborito mo rin naman iyon. Hindi lang iyan panakot sa aso; Ginagamit din iyan tuwing umuulan.

Mag-ingat ka sa lamok. Lapitin ka pa naman ng mga iyan. Maari bang magsuot ka ng mahaba-habang bestida o kaya’y mga mahabang medyas para hindi ka kayang kagatin ng mga lamok? Hindi sapat ang pagpahid ng lotion.

Mag-ingat ka sa mga umaaligid na lalaki. Hindi lahat ng lalaki ay gusto ka lang maging kaibigan. Hindi lahat ng lalaki ay gusto ka lang ihatid pauwi para ligtas ka. Hindi lahat ng lalaki ay mababait. Hindi lahat ng lalaki ay gusto lang pumatay ng ipis para sayo. Minsan may mga manloloko, at mang-uuto. Minsan ay nababagot lang sila at naghahanap ng karamay.

Mag-ingat ka sa manyak mong professor. Sabihin mo alam ko kung saan siya nakatira.

Mag-ingat ka kay Janice. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko hindi siya mabuting kaibigan sayo. Alam kong matalik kayong magkaibigan sa tagal ng panahon, ngunit hindi siya nagsasabi ng buong katotohonan. Sana dito ay mali ako at tama ka.

Mag-ingat ka sa mga alaalang hindi kagandahan. May mga panahong maaalala mong masaya ang nakalipas, at mararamdaman mong mas gugustuhin mong bumalik sa nakaraan – Huwag. Alalahanin mong medyo masakit rin ang nakaraan at madami ka nang pinagdaanan. Ikaw ay malakas at matapang, kaya mo nalapagsan ang noon. At mas kakayanin mong harapin ang kasalukuyan.

Mag-ingat ka sa mga sinungaling. Alam kong mahirap malaman kung sino nga ba ang nagsasabi ng totoo at sino ang andyan para lang lokohin ka. Alam ko minsan, ang tao mismo hindi na alam kung katotohonan pa ang pinapangako sayo. Minsan sasabihin niyang mahal ka niya, pero hindi naman niya maipakita. Minsan pinangako niyang hindi ka niya iiwang mag-isa, ngunit darating ang araw na kinakailangan kang iwan. Minsan sasabihing poprotektahan ka, ngunit siya rin ay hindi niya maprotektahan ang sarili niya sa sakit nang mawala ka. Minsan sasabihin niyang aalagaan ka niya, pero hindi naman pala niya kaya.

Kaya eto. Eto na. Mag-ingat ka, ha?

Ingat